Binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa mas mabilis na proseso ng hiring sa Department of Education (DepEd) para sa mga teaching at non-teaching staff.

Sabi ng Senador, madalas inaabot ng anim na buwan ang hiring process ng mga guro, lalo na't bahagi ng proseso ang iba pang mga ahensya tulad ng Department of Budget and Management at Civil Service Commission.

Buhat noong Mayo 24, 2024, may 46,703 posisyon sa DepEd ang hindi pa napupunan, 58% (26,984) dito ang mga teaching positions. Para sa fiscal year 2025, balak ng DepEd na lumikha ng 20,000 na bagong teaching positions. Bagama't naglaan ang National Expenditure Program (NEP) ng P5.50 bilyon para sa mga bagong posisyong ito, lumalabas na 56,050 ang kabuuang bilang ng mga gurong kinakailangan sa DepEd at P15.4 bilyon ang kinakailangan para rito.

"Lumalaki ang bilang ng mga gurong kinakailangan natin kasabay ng pagdami ng mga mag-aaral at kung mapupunan natin ang 26,000 na mga bakanteng posisyon, malaki ang maitutulong nito upang tugunan ang kakulangan natin sa mga guro," ani Gatchalian kasunod ng naging pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang pondo ng DepEd para sa 2025.

Binigyang diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pag-hire ng mga administrative officers upang mabawasan ang non-teaching workload ng mga guro. Sa Year One report nito, pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na umaabot sa halos 50 administrative at ancillary tasks ang ginagampanan ng mga guro. Matatandaang sa ilalim ng DepEd Order No. 02 s. 2024, tinanggal na sa mga guro ang mga administrative tasks.

"Ikinagagalak ko na sa susunod na taon, magha-hire tayo ng 10,000 administrative officers at dahil meron tayong humigit-kumulang 43,000 na mga paaralan, isa sa apat ng mga paaralan natin ang magkakaroon na ng mga administrative officers," dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Naglaan ang NEP ng P3.43 bilyon para sa hiring ng mga non-teaching positions. Ngunit ayon sa DepEd, kailangan nito ng 20,668 na mga non-teaching personnel, kung saan P7.9 bilyon ang kinakailangang pondo.

Tiniyak naman ni Secretary of Education Sonny Angara na pinabibilisan na ang proseso ng hiring, lalo na sa mga schools divisions kung saan nagaganap ang hiring.

Source: https://legacy.senate.gov.ph/press_release/2024/0915_gatchalian1.asp